Nabigo si House Speaker Lord Allan Velasco na maging “unfying leader” matapos niyang tanggalin ang ilang Deputy Speakers at ang nakatakdang pagbabalasa pa sa Chairmanship ng mga House Committee.
Matatandaang sa nabuong term sharing agreement, napagkasunduan na tanging sina dating House Speaker Alan Peter Cayetano at Velasco lamang ang magpapalit ng pwesto habang mananatili at hindi gagalawin ang mga Deputy Speakers at Chairman ng mga committee.
Dahil sa kasunduang ito, nagkaroon sa kauna-unahang pagkakataon ng 22 Deputy Speakers ang Kamara, para i-accomodate ang mga kaalyado nina Velasco at Cayetano at magkaroon ng “unified House” kahit pa man dalawa ang magiging Speaker sa 18th Congress.
Sa naging pag uusap nina Cayetano at Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte ay nangako pa ang huli na walang magiging pagbabago sa mga opisyal ng Kamara.
Pero nang maupo si Velasco, kabaligtaan ang nangyari dahil sinimulan nitong tanggalin sa pwesto ang mambabatas na malapit kay Cayetano.
Aminado naman ang ilang insider sa Kamara na pinangakuan sila ni Velasco ng pwesto sa kaniyang liderato kapalit ng pagbaliktad ng suporta kay Cayetano na naging dahilan kung bakit nagkakaroon ng “silent war” sa mismong mga kaalyado nito.