Ikinatuwa ng isang samahan sa sektor ng agrikulutra ang naging desisyon ng Senado na imbestigahan ang malawakang smuggling na nangyayari sa bansa.
Nabatid na nais ng Senado partikular ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na malaman ang totoong dahilan kung bakit nangyayari pa rin ang smuggling sa produktong agrikultura kaya’t apektado rito ang industriya at kabuhayan ng mga magsasaka.
Ayon kay Pork Producers Federation of the Philippines President at Agriculture Sector of the Philippines President Nicanor Briones, nagpapasalamat ang kanilang grupo kay Sen. Sotto lalo na’t ang committee of the whole ang magkakasa ng hearing.
Aniya, sa pamamagitan nito ay matutukoy na ang puno’t dulo ng iligal na gawain at malaman na rin ang tugon ng bawat ahensiya o departamento na siyang responsable rito.
Inaasahan nila na may mananagot sa likod ng talamak na smuggling ng mga produktong pang-agrikultura lalo na’t kapwa nahihirapan ang mga magsasaka maging ang consumers.
Iginigiit ni Briones na kahit pa natutukoy na ang mga nangyayaring smuggling ay wala namang napapanagot o napapakulong ang gobyerno.
Matatandaan na sa pahayag ni Sotto, kanilang nadokumento ang mga press releases ng Bureau of Customs mula May hanggang November 2021 kung saan nasa 25 na anti-smuggling operations ang ikinasa na may katumbas na P1 billion na halaga ng produkto ang nakumpiska.
Pero, hindi tumutugma ang tally ng Customs sa press releases at paghahain ng mga kaso kaya’t ito ang isa sa dahilan ng gagawin nilang imbestigasyon.