Nagkasa ng tigil-pasada sa araw ng Lunes ang mga jeep at UV Express na pangungunahan ng Alliance of Concerned Transport Organization o ACTO.
Ayon kay ACTO National President Efren De Luna, ito ay para ipakita sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang kanilang pagtutol sa ilang patakarang nakapaloob sa transport modernization program ng gobyerno.
Ayon kay De Luna, hindi nila kaya ang ilang mga requirements para dito kabilang na ang masyadong mahal na gagamiting unit kapalit ng mga lumang pampasaherongg jeep.
Ito aniya ay sa kabila ng alok na ayuda ng gobyerno na 80-libong piso na paunang bayad sa pagbili ng PUJ unit.
Wala din aniyang kasiguraduhan ang kung maibabalik pa ang kanilang prangkisa na kailangang isurender dahil ang kooperatiba o organisasyon na ang mamamahala sa pagpapatakbo ng kanilang mga sasakyan.
Sa ilalim ng PUV modernization program bahagi ito ng consolidation dahil pag-iisahin na ang mga papasadang jeep, iisa ang terminal at iisa na lang ang magiging garahe.
Matatandaang noong lunes ay nagkasa rin ng kahalintulad na aksyon ang TNVS community.
Sa schedule na ibinigay ni De Luna, alas otso ng umaga sa lunes ay titigil sa pamamasada ang kanilang grupo sa ACTO na susundan ng kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng LTFRB.
Bagamat wala namang abiso pa kung sasali rin ang iba pang transport group pero ngayon pa lamang ay humihingi na si De Luna ng paumanhin sa mga mananakay na posibleng maaapektuhan ng tigil pasada sa araw ng lunes.