Cauayan City, Isabela – Hindi parin tumitigil ang grupong Danggayan Dagiti Mannalon iti Isabela (DAGAMI) sa panawagan nilang buwagin ang Rice Tarrification Law (RTL)na inakda ni Sen. Cynthia Villar.
Ayon kay Gng. Cita Managuelod, tagapangulo ng DAGAMI, ang batas na ito ang lalong nagpapahirap sa sitwasyon ng mga magsasaka hindi lang sa Isabela maging sa buong bansa.
Dagdag pa ni Managuelod, sa kabila ng pangako ng Deparment of Agriculture na bilhin sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) ay kulang ang pondo nito para bilhin ang mga produkto ng mga magsasaka.
Binigyang-diin pa nito na mas lalo pang ginawang inutil ng RTL ang NFA dahil hindi umano natupad ng naturang ahensiya ang mandato nitong bilhin ang 10% na produktong lokal ng mga magsasaka.
Hindi rin umano sapat ang 2% na binibili ng NFA sa magsasaka para makapagbigay ng murang presyo ng bigas sa pamilihan at desenteng presyo ng farm outputs.
Para sa grupong DAGAMI, matagal pa ang pangako ni DA Secretary William Dar na pagrepaso sa RTL sa 2022.
Sa ngayon ay humiling ng dayalogo ang grupo sa Sanguniang Panlalawigan ng Isabela para mabigyan ng dagdag na price subsidy sa produkto ng mga magsasaka na hindi na kailangang idaan pa sa NFA.
Sa aktwal, ayon pa kay Managuelod, mga traders at malalaking kooperatiba lamang ang nakikinabang sa serbisyo ng NFA dahil sila ang may kakayahan at kapasidad na magpatuyo ng kanilang mga nabiling palay at mais.
Aminado ang grupo na apektado ng pandemiya ang iba nilang mga kampanya. Abala ngayon ang grupo sa kanilang kampanyang Gulayan sa Pamayanan na kung saan ay nagtuturo sila paano magsagawa ng communal farming at namamahagi din sila ng mga libreng buto ng gulay.