Grupong Federation of Free Workers, inalmahan ang panukalang Anti-Terrorism Bill

Naniniwala ang grupong Federation of Free Workers (FFW) na maraming probisyon sa panukalang Anti-Terrorism Bill ang sinasagasaan ang karapatan ng mga mamayan, batay sa Bill of Rights.

Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula, malinaw sa Bill of Rights ng ating Saligang Batas na pino-protektahan nito ang karapatang mabuhay at maging malaya kaya’t marapat lamang na maging maingat ang mga mambabatas sa pagpasa sa Anti-Terrorism Bill.

Kaya naniniwala ang grupo na hindi epektibong sagot ang Anti-Terrorism Bill para malabanan ang paghahasik ng terorismo sa bansa.


Giit ni Atty. Matula, malinaw na labag sa Konstitusyon ang Senate Bill 1083 at HB 6875 o Anti-Terror Bills na naipasa kamakailan kung saan pinahihintulutan ang mga otoridad na arestuhin ang sinumang tao na pinaghihinalaang gumagawa ng anumang terorismo at ikukulong ng 24 na oras sa utos lamang ng isang administrative agency tulad ng Anti-Terrorism Council (ATC) na pinamumunuan ng Executive Secretary.

Binigyang diin ng grupo na ang Executtive Secretary at ang ATC ay hindi hukom at hukuman kaya wala silang karapatan na magpatupad ng pag-aaresto.

Facebook Comments