Naniniwala ang grupong Federation of Free Workers (FFW) na malaking papel na ginagampanan ng Simbahang Katoliko sa mga manggagawa kasabay pagdiriwang ng 500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula na ang Simbahang Katoliko at iba pang mga denominasyong Kristiyano at pananampalatayang Islam ay may malaking ambag o kontribusyon sa pagbuo ng isang makatarungan at makataong lipunan at sa pagtatatag ng isang pamahalaan na dapat maglaman ng mga mithiin at layunin ng mga Pilipino.
Paliwanag ni Atty. Matula na ang dignidad ng paggawa at ang karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa ng mga unyon ay humaharap sa banta ng mataas na kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon at mababang sahod, pati na rin ang mga hindi ligtas na lugar ng trabaho ngayong panahon ng COVID-19 pandemya at globalisasyon ng merkado.
Pinalubha pa umano ito ng talamak na Extra-Judicial Killings at panliligalig sa mga unyonista at aktibista kung saan kahit na ang FFW ay isang sekular at pluralistic na samahan sa mga tuntunin ng pampulitika, pangkulturang at paniniwala sa Relihiyon, ay tinitingnan nila ang mga katuruang panlipunan ng Simbahang Katoliko bilang tunay na mga gabay na makatao sa pag-oorganisa ng kanilang unyon, sa sama-samang negosasyon sa bargaining at sa kanilang paglahok sa mga Tripartite Councils at sa pagpanday ng polisiya sa trabaho at pambansang patakaran.