Pinuna na ng grupong Federation of Free Workers o FFW ang kawalan ng tugon ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na balikatin ang lahat ng mga gastusin sa mga miyembro at pasyente ng hinihinalaang mayroong taglay na Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula, taliwas sa pangako ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na akuin lahat ng mga gastusin sa medical expenses sa mga OFW na nagsipag-uwi na sumailalim sa 14 days quarantine period, hindi nangyari ito sa isang OFW na umuwi kamakailan mula sa bansang Hong Kong.
Inihalimbawa ni Atty. Matula ang reklamo ng isang OFW na itatago natin sa pangalang Jackie mula Hongkong na isinailalim sa 14-day quarantine process na nag negatibo naman sa sintomas pero pinabayaran pa rin sa kanya ang hospital bills na umaabot sa PHP29,000.
Paliwanag ni Atty. Matula, hindi natupad ang mga ipinangako ng DOH at PhilHealth na babalikatin nila ang lahat ng mga medical expenses ng mga OFW na galing sa Hong Kong at hinihinalaang mayroong taglay ng COVID-19.