Grupong FFW, nanawagan sa gobyerno na mamagitan sa sigalot sa Hanjin

Manila, Philippines – Hinikayat ni Federation of Free Workers president and Nagkaisa chairperson Atty. Sonny Matula si Pangulong Rodrigo Duterte na mamagitan na sa napipintong pagpapasara sa Hanjin.

Ayon kay Atty. Matula, maraming mga manggagawang maaapektuhan sa pagpapasara ng Hanjin, ang pinakamalaking gawaan ng barko sa bansa na mayroong empleyado na 30,000 manggagawa.

Matatandaan na noong nakaraang December, ang Hanjin na pagmamay-ari ng Koreano ay nagtanggal ng mahigit 7,000 mga manggagawa.


Paliwanag ni Atty. Matula dapat talagang mamagitan na ang gobyerno upang iligtas ang kapakanan ng mga manggagawa na mawawalan ng trabaho dahil marami sa mga manggagawa umano ay highly trained at highly-skilled lalung-lalo na sa pagwe-welding.

Giit ni Atty. Matula, nagsakripisyo ng mahabang panahon ang mga manggagawa ng Hanjin at ilan sa kanila ay nagbuwis ng buhay dahil sa kapabayaan umano ng kumpanya kaya at dapat aniyang hindi masayang ang kanilang mga sakripisyo.

Inirekomenda ni Atty.Matula sa gobyerno na pangasiwaan ang operation ng Hanjin at upang tuluyang mailigtas ang kinabukasan ng libu-libong mga manggagawa.

Facebook Comments