Muling magsasagawa ng tatlong araw na tigil-pasada ang grupong Manibela sa darating na Lunes, Hunyo 10 hanggang 12 bilang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP.
Sa ginanap na press conference sa University of the Philippines, sinabi ni Manibela President Mar Valbuena na sila ay magsasagawa ng tigil-pasada at kilos-protesta para kalampagin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ginagawang panghuhuli sa mga unconsolidated jeepney.
Ito ay sa kabila ng kasunduan sa Kamara na hindi muna sila huhulihin.
Ayon pa kay Valbuena, magsasagawa rin sila ng kilos-protesta sa tanggapan ng MMDA para ipabatid ang kanilang hinaing at para makita kung kakayanin ng 80% ng PUV na nag-consolidate na pagserbisyuhan ang mga pasahero partikular na sa National Capital Region.