Nasa 50 na riders ng isang delivery app ang nagtipon-tipon sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila para magsagawa ng protest caravan patungong Senado sa Pasay City.
Ang mga rider ng Lalamove ay mula sa Metro Manila, Cavite at Laguna kung saan kasama nila ang Defend Jobs Philippines upang magpadala ng sulat sa mga senador.
Apela ng grupo sa Senado, partikular sa Senate Committee on Transportation, aksyunan na sana agad ang umano’y isyu sa commission rate, na kanilang pinababawasan na mula 20% ay gawin daw sana sa 15 o 10%.
Maging ang monthly bag rental fee na P200 kada buwan ay kanila rin inaalmahan dahil una na raw silang nakapagbayad dito pero patuloy silang sinisingil.
Hinaing pa ng mga rider, apektado pa rin sila ng pandemyang bunsod ng COVID-19, kaya’t sana ay bigyan sila ng kaunting konsiderasyon lalo na’t karamihan pa sa kanila ay biktima ng scam.
Hiling nila na magkaroon na ng standard rate na P60.00 hanggang P80.00 base rate, habang may dagdag na P7.00 hanggang P10.00 ang kada kilometro.
Nananawagan din sila na bigyan ng nararapat na insurance, hindi puro salita at pangako lamang.