Naniniwala ang grupong NAGKAISA Labor Coalition na mas ikatutuwa ng kanilang grupo kung magiging bahagi ng “Civil Service” na ang mga health workers na kinuha ng Department of Health (DOH) para tumulong upang masugpo ang COVID-19.
Ayon kay NAGKAISA Labor Coalition Chairperson Atty. Sonny Matula, nakakahinga sila ng maluwag makaraang ihayag ni DOH Secretary Francisco Duque III noong nakaraang linggo na initial na 857 healthcare workers ang kanilang kukunin ay itatalaga sa tatlong referral hospitals para tumulong para laban nag Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Paliwanag ni Atty. Matula, hindi makatwiran para sa kanilang grupo ang pagkuha ng DOH ng mga bilang “contracts of service” lamang kabilang dito ang mga physicians, nurses, medical technologists, respiratory therapists, radiologic technologists, medical equipment technicians, nursing attendants, administrative assistants o aides at iba pang mga personnel, kung kinakailangan.
Hinikayat ng grupong NAGKAISA Labor Coalition ang DOH na ang naturang mga health workers na kanilang kinuha ay mapabilang sa Civil Service ng pamahalaan hindi lamang bilang “contracts of service” workers.
Ang “contract of service” workers ay mga pribadong tao na kinontrata lamang ng gobyerno at sila ay hindi bahagi ng Civil Service.
Giit ni Atty. Matula, natutuwa sila dahil marami ang nagboluntaryo pero mas ikagagalak ng kanilang grupo kung iprayoridad ng DOH maging bahagi sila ng gobyerno at ma-upgrade ang kanilang mga sahod bilang health workers depende sa kanilang mga kwalipikasyon katumbas ng salary grades (SG) ng kanilang trabaho, gaya ng mga nurse na mula SG-15 gawing SG-18 o kaya mga doctors mula sa SG-21 gagawing SG-24.