Ikinabahala ng grupong NAGKAISA Labor Coalition ang banta ng second wave ng COVID-19 kapag inalis na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at isailalim na Metro Manila sa modified ECQ.
Ayon kay NAGKAISA Labor Coalition Chairman Atty. Sonny Matula, malaki ang posibilidad na maraming manggagawa ang magkasakit at magkahawaan lalo na’t walang malinaw na mandato ang ilang mga kumpanya para matiyak ang kalusugan at seguridad ng kanilang mga empleyado.
Binigyan diin din ni Matula na walang malinaw na panuntunan ang Department of Labor and Employment kung mayroong mabigat na parusa sa mga employer na hindi makatutugon na mabigyan ng katiyakan ang kaligtasan at seguridad ng mga manggagawa sa oras na sila’y pumasok sa trabaho.
Naniniwala ang grupo na ang Department Order ay inilabas upang ang mga employer ay makipag-ugnayan sa kanilang mga empleyado kaugnay sa isang komprehensibong protocols upang mapigilan ang mga manggagawa na mahawaan ng COVID-19 kahit bago pa tanggalin o imodified ang ECQ sa bansa.
Giit ni Atty. Matula, nais nilang makipag-ugnayan sa DOLE sa pamamagitan ng Zoom upang maitama ang sa tingin nila ay mayroong pagkukulang sa joint DTI and DOLE Guidelines.
Hinihiling din ni Atty. Matula na ang balik trabaho na protocols ay maisama sa National Action Plan na mailahad sa publiko.