Grupong PAMALAKAYA, hinamon ang DENR na isunod na kanselahin ang ECC sa mga kinukwestyong reclamation sites sa Manila Bay

Kasunod ng ginawang pagkansela ng Department of Natural Resources (DENR) sa mga environment compliance certificate (ECC) sa ilang istraktura sa mga protected area, hinamon naman ngayon ng fisher’s group na PAMALAKAYA ang ahensya na isunod namang kanselahin ang mga ECC ng mga reclamation projects sa Manila Bay.

Ayon sa grupo, dito makikita kung tunay na nagmamalasakit si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa sistematikong pagkasira ng ating kapaligiran.

Naniniwala ang grupo na ginawa lamang ng kalihim ang hakbang pagkatapos na umani ng negatibong reaksyon sa publiko ang kanyang pananahimik sa malawakang pagkasira ng kapaligiran sa mga protected area.


Sunud-sunod ang mga naging protesta ng PAMALAKAYA sa pagtanggi ng DENR na kanselahin ang mga ECC ng hindi bababa sa 22 proyekto sa Manila Bay.

Kabilang sa mga proyekto na nakakuha ng ECC ay ang 407 hectares na City of Pearl sa Maynila, ang 650 hectares na Navotas City reclamation, at ang 420 hectares reclamation in Bacoor, Cavite.

Giit ng grupo, bawiin ng DENR nang walang kondisyon ang mga permit sa naturang reclamation project.

Facebook Comments