Gusto ng grupong Pinoy Aksyonna imbestigahan ng Commission Audit (COA) ang isang proyekto ng Quirino Memorial Medical Center (QMMC).
Ayon sa spokesperson ng transparency watchdog na si Bency Ellorin, noong May 8, 2019, nagsagawa ng QMMC ng bidding sa ilalim ng pangangasiwa ni Isabel Elona, ang chairperson ng Bids and Awards Committee ng ospital. Ang bidding ay para sa isang biometric system na sakop ang payroll, fingeprint at facial recognition, at attendance ng mga empleyado ng QMMC. Human Resource Information System ang tawag dito at nagkakahalaga ito ng P5.5 million.
Sinabi ni Ellorin na may nilabag sa Republic Act (RA) No. 9184 o ang “Government Procurement Reform Act” ang supplier na Blue Sky Trading dahil delayed ang pag-deliver nila sa biometric system.
Nakasaad sa mga dokumento ng bidding na dapat ay ma-deliver ang Human Resource Information System sa QMMC sa loob ng 15 araw ng pagtanggap ng supplier ng “Notice to Proceed.”
Bukod sa delayed na pag-deliver, ang Human Resource Information System na nakuha ng QMMC ay palpak. Hindi raw ito kumporme sa kailangan ng ospital.
Sa kabila ng lahat, hindi man lang pinatawan ng multa Blue Sky Trading para sa mga kakulangan at kapalpakan nito. Hanggang ngayon ay hindi pa nagagamit ng QMMC ang na-deliver nilang biometric system.
May mga nagsasabi na malakas ang kapit ng supplier sa Technical Working Group at sa top management ng QMMC kaya kumita sila sa proyekto kahit na palpak ang produktong nakuha ng ospital.
Dagdag ni Ellorin na dapat magpaliwanag si Dr. Evelyn Victoria E. Reside, ang medical center chief ng QMMC kung bakit nagkaganito ang proyektong ito. Maigi na magsagawa ng COA ng special audit rito sa lalong madaling panahon.