Manila, Philippines – Nanindigan ang militanteng mga operators at drivers ng jeepneys na hindi sila titigil sa kanilang paglulunsad ng transport strike sa ibat-ibang lugar sa Metro Manila at mga lalawigan.
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, hindi sila magdadalawang isip na buwan-buwang isasagawa ang tigil pasada sa loob ng apat na araw.
Ito ay kung hindi pakikinggan at patuloy na babaliwalain ng Malakanyang ang kanilang apila na ibasura ang jeepney phase out at modernization program.
Aniya, sa susunod na linggo ay muli silang magsasagawa ng dalawang araw na tigil-pasada depende sa magiging sitwasyon o hakbang ng Pangulong Duterte sa kanialng kahilingan.
Hindi rin sila magpapasindak sa pananakot ng LTFRB na walang ginawa kundi ang mag-ngangangak-ngak at ginagalit ang kanilang hanay.
Sa panig ng LTFRB, sinabi ni Atty. Aileen Lizada, board member at spokespersons ng ahensya, laging naka-stand by ang kanilang jeepney quick reaction team bilang pantapat sa pamemerwisyo ng PISTON.
Asahan din aniya ng PISTON na hindi nila ito basta palalagpasin.
Sa katunayan, kakasuhan nila ang PISTON ng paglabag sa public service law.
Gagamitin nilang ebidensiya sa pagtanggal ng prangkisa ang makukuhang impormasyon sa mga sumama sa transport strike.
Sa ngayon ay iniipon at ipinatatala niya ang mga tsuper na nakibahagi sa tigil-pasada.