Cauayan City, Isabela- Nananawagan ng pagbabago ang ilang grupo gaya ng AnakPawis, Kagimungan, Save-CV, Amianan Salakaiban, at Kalikasan Youth sa ika-5 ulat sa Bayan ni Pangulong Duterte.
Ito ay matapos magprotesta ang nasabing grupo subalit hindi pa man din nagsisimula sa paghahayag ng kanilang karapatan ay tila binawalan na umano ito ng mga kapulisan.
Batay sa kanilang facebook post, makikita ang iba’t ibang placards na may panawagan na edukasyon ang kanilang kailangan at hindi diktatura habang ang iba ay pagpapatigil sa kontrobersyal na batas na ‘anti-terror bill’ na kaliwa’t kanan na binabatikos ng oposisyon.
Ayon sa grupo, hindi makatarungan ang ginawang pagpapasara umano ng administrasyong Duterte sa itinuturing na giant network na ABS-CBN.
Bago ang SONA ni Pangulong Duterte, pinigilan umano ng mga otoridad ang grupo ng Kabataan Partylist Cagayan at Bayan-Muna Tuguegarao sa kanilang pagtanggal sa mga tarpaulin red-tagging sa ilang establisyimento sa Cagayan.
Nagkaisa rin ang mga magsasaka sa ilang lugar sa Cagayan para ipanawagan ang pagbasura sa anti-terror bill at ibalik ang operasyon ng ABS-CBN .