Guevarra, kinumpirma ang direktiba ng Palasyo na i-hold ang proseso ng paglaya ni Sanchez

Manila, Philippines – Wala pang nakararating kay Justice Secretary Menardo Guevarra na direktang utos mula sa Pangulo na huwag palalayain si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Pero ayon kay Secretary Guevarra, may request mula sa Malacañang na i-hold ang proseso ng posibleng paglaya ni Sanchez.

Partikular aniyang request ng Palasyo ang pagpapatigil sa pag-proseso ng kaso ni Sanchez hanggang hindi napaplantsa ang lahat ng mga isyung ligal sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).


Tiniyak naman ng kalihim na susundin nila ang kautusan ng Pangulo at ang rule of law.

Una nang sinabi ni Senator Bong Go na may utos ang Pangulong Duterte sa Bureau of Corrections (BuCor) at sa Department of Justice (DOJ) na huwag papayagan ang maagang paglaya ni Sanchez sa New Bilibid Prisons (NBP).

Facebook Comments