Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos ang lahat ng unit commanders na mahigpit na ipatupad ang operational guidelines para sa kanilang Oplan Ligtas Paskuhan 2021.
Ayon kay Carlos, parte ito ng kanilang pinaigting na seguridad bago sumapit at sa mismong araw ng Pasko gayundin ng Bagong Taon.
Kasama sa guidelines ang pagpapaigting ng police visibility sa mga lugar na dinaragsa ng publiko partikular na ang simbahan, malls, palengke, terminal ng bus, pantalan at iba pang pasyalan.
Inatasan na rin niya ang paglalagay ng mga police assistance desk at papapakalat ng road safety marshalls sa mga pangunahing kalsada patungo sa mga lalawigan.
Maliban dito, pinatututukan ni Carlos sa mga pulis ang kampaniya kontra iligal na droga at krimen.
Pinayuhan din ni Carlos ang publiko na sumunod sa minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.