Guidelines hinggil sa mga lugar kung saan kailangan pa ring magsuot ng face shield, binabalangkas na ng DOH at DILG

Huwag munang itapon ang inyong mga face shield.

Ito ang payo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kabila ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na mandatory ang pagsusuot face shield sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay DILG Usec. Epimaco Densing III, may mga pagkakataong kailangan pa ring mag-face shield lalo na kung magtutungo sa closed at crowded areas.


“Halimbawa, gusto mo pumunta sa Divisoria, alam naman natin sa Divisoria, dikit-dikit mga tao, close contacts, crowded. So, on the way siguro sa Divisoria pwedeng hindi ka mag-face shield pero pagdating mo dun sa Divisoria mismo na very crowded, kailangan mo nang dagdagan yung proteksyon mo so, kailangan mo nang mag-face shield,” paliwanag ng opisyal.

Ayon kay Densing, nirerebisa na nila ang Joint Memorandum Circular na inisyu noong Enero hinggil sa pagsusuot ng face shield para itugma sa bagong utos ng pangulo.

Samantala, nilinaw rin ni Densing na hindi polisiya ng DILG sa halip ay suhestiyon lamang ni Usec. Martin Diño ang pagsusuot ng vaccination card na parang ID.

“Wala po tayong ganong panuntunan. Nire-recognize ko yung suhestiyon ng ating kasama sa DILG. Siguro po ang parang advice sa ating mga kababayan, dahil dahan-dahan tayong nagpapahintulot sa mga pagpasok o pagkain sa mga restaurant na kailangan fully vaccinated ka, at least dala-dala man lang nila yung kanilang vaccination card, hindi naman yung isasabit na parang ID,” dagdag niya.

Facebook Comments