Guidelines para sa COVID-19 vaccine trials sa Pilipinas, inilabas ng IATF; FDA, kinumpirmang wala pang natatanggap na clinical trial application

Inilabas na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang guidelines para sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 vaccine clinical trials sa Pilipinas.

Batay sa IATF Resolution No. 65, inaaprubahan nito ang rekomendasyon ng sub-Technical Working Group on Vaccine Development.

Nakapaloob dito na ang lahat ng aplikasyon ng clinical trials ay dapat munang maisumite sa vaccine expert panel na re-reviewhin ng itinalagang ethics board bago ipasa sa Food and Drug Administration (FDA) para sa approval at pag-aaral.


Maglalabas naman ng zoning guidelines para sa clinical trials para maiwasan ang kumpetisyon sa mga lugar na isasagawa ang trial.

Pinauuna rin ng IATF sa Local Government Units (LGUs) ang solidarity trials ng World Health Organization (WHO) kaysa sa independent trials ng bansa.

Kailangan namang aralin ng Philippine Health Research Ethics Board (PHREB) ang lahat ng ethical guidelines sa clinical trials.

Samantala, kinumpirma ni FDA Center for Drug Regulation and Research Director Dr. Jesusa Cirunay na wala pa silang natatanggap na clinical trial application.

Karaniwang tumatagal aniya ng 45 hanggang 60 araw ang proseso sa isang aplikasyon para sa clinical trial pero mas pinadadali ito kapag may kaugnayan sa COVID-19 vaccines.

Habang ang phase 4 o huling yugto ng trial ay tumatagal ng 70 hanggang 90 araw bago maaprubahan.

Facebook Comments