Manila, Philippines – Iniutos na ng Department of National Defense (DND) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na siguruhing iiral ang “rule of law” sa harap ng idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.
Base sa memorandum na nilagdaan ni DND Usec. for Civil, Veterans and Retirees Affairs Eduardo Del Rosario – pinaalalahan nito ang militar na sa ilalim ng batas militar ay hindi suspendido ang konstitusyon at ang operasyon ng mga judicial at legislative assemblies.
Aniya, ang mga civilian courts pa rin ang may pangunahing hurisdiksyon sa mga kaso laban sa mga sibilyan.
Sa ilalim ng batas militar, ang AFP ay magkakaroon ng police powers na umaresto ng mga suspek sa krimen.
At para matiyak na hindi malalabag sa ilalim ng batas militar ang karapatan ng mga suspek, nakasaad din sa memorandum na ang pag-aresto at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga ito ay dapat na sumunod sa mga itinakdang alituntunin ng mga civilian courts.
DZXL558