Inilabas na ng Department of Transportation (DOTr) ang guidelines para sa public transportation sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila simula sa June 1, 2020.
Ayon sa DOTr, magkakaroon ng dalawang phase ang pagpapatupad ng operasyon ng iba’t ibang public transportation.
Sa ilalim ng Phase 1, simula June 1, 2020, papayagan nang bumiyahe ang mga tren at ang mga bus na bahagi ng bus augmentation ng pamahalaan.
Kasama rin sa papayagan ang mga taxi, Transportation Network Vehicle Service (TNVS), shuttle services, P2Ps at bisikleta.
Hindi naman papayagan ang mga provincial bus na pumasok ng Metro Manila mula June 1 hanggang 22.
Nasa kamay naman ng Local Government Units (LGUs) ang desisyon sa pagbyahe ng mga tricycle.
Sa ilalim naman ng Phase 2, simula sa June 22, 2020, papayagan na ring bumiyahe ang mga Public Utility Buses (PUBs), modern Public Utility Vehicles (PUVs) at UV express.
Naglabas din ang DOTr ng guidelines para sa ipatutupad na physical distancing sa mga pampublikong sasakyan, kabilang dito ang:
- Pagsusuot ng face masks
- Pagpapatupad ng no-contact measures tulad ng cashless payment
- Paglalagay ng mga thermal scanners
- Paglalagay ng alcohol at hand sanitizers sa mga PUV
- Disinfection sa mga sasakyan at malalaking pasilidad tulad ng mga terminal
- At pagkakaroon ng contact tracing