Guidelines sa pagbabakuna sa mga bata, ilalabas na sa susunod na linggo; mga bata sa NCR, unang isasabak sa bakunahan

Kasalukuyan pang pinaplantsa ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang mga panuntunan sa pag–umpisa ng bakunahan sa mga bata.

Matatandaang kahapon, inanunsyo ng Palasyo na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabakuna sa mga bata at sa general population simula ngayong Oktubre.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NVOC Chairperson Usec. Myrna Cabotaje na kanila pang binabalangkas ang guidelines at posible itong mailabas sa susunod na linggo.


Sa inisyal na plano, October 15 mag-uumpisa ang bakunahan sa mga bata rito sa Metro Manila.

Paliwanag ni Usec. Cabotaje, uunahin ang National Capital Region (NCR) sapagkat madami na ang nababakunahang mga nasa A2 priority group o mga senior citizen na lagpas na sa 50%.

Paliwanag pa nito, makaraan ang test run sa kalakhang Maynila ay isusunod namang babakunahan ang mga bata edad 12 hanggang 17 taong gulang sa iba pang panig ng bansa.

Aniya, uunahing mabakunahan ang mga batang may comorbidities o may mga karamdaman.

Facebook Comments