Guidelines sa pagdaraos ng Simbang Gabi, inilabas ng CBCP

Naglabas ng guidelines ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na susundin ng mga simbahan sa pagdaraos ng Simbang Gabi o Misa de Gallo sa December 16 hanggang December 24.

Batay sa circular ng CBCP, mahigpit na ipatutupad ang social distancing, pagsusuot ng face masks at face shields sa mga idaraos na Simbang Gabi.

Idinadaos ito ng alas-4:00 ng madaling araw, pero ngayong taon ay maaari na itong isagawa nang mas maaga sa alas-6:00 ng gabi habang huling misa ay alas-6:00 ng umaga.


Ayon kay CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles, sa naging konsultasyon sa mga obispo at mga pari, daragdagan ang schedule ng mga misa para mas marami ang makadalo lalo na’t iilan lamang ang maaring makapasok sa mga simbahan.

Hinimok din ng CBCP na ituloy ang pagsasagawa ng live streaming ng mga misa para maaring makadalo online ang mga hindi makakapunta ng personal sa simbahan.

Sabi pa ni Archbishop Valles, ang dawn mass para sa Pasko ay pwede ring gawin ng umaga ng December 25.

Ipagbabawal naman ang paghalik at paghawak sa imahe ng sanggol na si Jesus.

Sa halip, hinimok ni Archbishop Valles ang mga magsisimba na magdala ng sariling imahe nila ng infant Jesus sa Christmas mass.

Facebook Comments