Naghanda na ng guidelines ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamimigay ng food packs sa mga lugar na nasailailim sa granular lockdown.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, magtutulungan ang national government at mga lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng food assistance, sa mga residente ng mga komunidad, gusali o kalsada na mapapasailalim sa granular lockdown.
Sa 14 na araw na nakasailalim sa paghihigpit ang isang lugar, magmumula ang food assistance sa mga local government unit para sa mga residente sa unang pitong araw.
Para sa natitirang pitong araw, dito na papasok ang DSWD sa pamamahagi ng food packs kung saan mayroong tatlong family food packs kada pamilya.
Sakaling ma-extend ang umiiral na lockdown sa isang lugar, ang DSWD pa rin ang magbibigay food packs.
Matatandaan na target ng pamahalaan na maipatupad ang pilot implementation ng alert level system sa Metro Manila, sa September 16.