Manila, Philippines – Nailipat na sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City si dating Army Major General Jovito Palparan mula sa army detention facility.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, eksakto alas 7:45 Miyerkules ng gabi nang iturn-over ng militar si Palparan.
Ang paglipat kay Palparan sa NBP ay kasunod ng pagbasura ng Malolos Regional Trial Court Branch 15 sa kanyang mosyon na manatili sa kustodiya ng militar.
Una nang sinabi ni Bureau of Corrections Director Ronald Dela Rosa na mananatili muna ng 60 araw si Palparan sa NBP Reception and Diagnostic Center bago ilipat sa Maximum Security Compound.
Si Palparan at dalawang iba pa ay nahatulan ng life imprisonment dahil sa pagdukot sa University of the Philippines students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006.