Iaapela ng kampo ni Rappler CEO Maria Ressa ang hatol na ‘guilty’ ng Manila Regional Trial Court Branch 46 laban sa kanya at sa dating researcher-writer nito na si Reynaldo Santos Jr.
Ayon sa abogado ng online news site na si Atty. Theodore Te, mayroon silang 15 araw para pag-aralan ang gagawin nilang hakbang.
Aniya, sa isang parte lamang ng impormasyon tumutok si Judge Rainelda Estacio-Montesa at hindi nito tiningnan ang kabilang panig o ang alegasyon ng judgment sa reputasyon.
Umapela naman si Ressa sa Facebook na maging aware at protektahan ang mga journalist.
Aniya, sa mga panahon ngayon ay mahalaga ang investigative journalism kaya umaapela sila sa gobyerno na makipagtulungan sa mga journalists.
Binigyang-diin din nito na hindi kaaway ng pamahalaan ang mga mamamahayag.
Nag-ugat ang kaso ni Ressa at Santos sa artikulo na isinulat ng Rappler noong 2012 at sinasabing muling inilathala online noong 2014 laban sa negosyanteng si Wilfredo Keng.