Manila, Philippines – Iginiit ni Liberal Party Senator Bam Aquino kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na huwag gamitin sa pamumulitika ang nangyayaring gulo sa bahagi ng Mindanao.
Ang pahayag ay ginawa ni Aquino, makaraang siya pati sina Senator Antonio Trillanes IV, Magdalo Represenative Gary Alejano at dating Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas, ay idawit ni Aguirre sa pag-atake ng Maute Group sa Marawi City.
Sabi ni Aguirre, nagpulong ang nabanggit na mga indibidwal sa Marawi City noong May 2 at pinag-usapan ang pag-atake sa Marawi.
Ayon kay Aquino, hindi ito totoo dahil noong May 2, siya ay PUP commencement speaker na ginanap sa PICC at dumalo din siya sa session ng senado.
Sabi ni Senator Bam, nagtungo siya sa Marawi noong May 19 para pasinayaan ang kauna-unahang Negosyo Center sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Pero mayroon daw siyang escort na militar at kasama din niya sina Vice Gov. Adiong, Gen. Bautista at Gen. Fortes na magpapatotoo na walang siyang pinulong kaugnay sa Marawi Siege.
Binanggit pa ni Aquino na mismong si Trade Secretary Mon Lopez ay naglabas ng pahayag kaugnay sa kanyang pagtungo sa Marawi para sa launching ng Negosyo Center.
Payo ni Aquino kay Secretary Aguirre, sa halip na gamitin ang mga fake news sa pagbabato ng alegasyon ay makabubuting magsaliksik muna ito at magberipeka ng mga impormasyon.
DZXL558