Gulo sa pagitan ng mga residente at minahan sa Sibuyan Island, pinasisilip ng isang senador

Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang gulo na nangyayari kaugnay sa nickel at metallic mining activities sa Sibuyan Island sa Romblon.

Kasunod na rin ito ng mga ulat na dalawa sa mga residente ang umano’y sugatan dahil sa pwersahang pag-disperse ng mga pulis sa mga nagpoprotesta na gumawa ng human barricade para ipakita ang mariing pagtutol sa mining activities sa kanilang lugar.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 459 para silipin ang nangyayaring gulo sa pagitan ng kompanya ng minahan at ng mga residente.


Giit ni Hontiveros, hindi dapat nauuwi sa karahasan ang mapayapang pagtutol ng mga residente laban sa panghihimasok ng mga kompanyang nagmimina sa sarili nilang tahanan.

Punto pa ng senadora, gusto lamang protektahan ng mga residente ang likas-yaman ng kanilang lugar at ang mga naninirahan sa lugar ay may karapatan na magsagawa ng protesta.

Dagdag pa ni Hontiveros, kailangang mapakinggan ng Senado ang lahat ng stakeholders at halukayin ang mga isyung ilang dekada nang bumubulabog sa isla ng Sibuyan kaugnay sa minahan.

Nag-ugat ang iringan sa nickel mining activities sa Sibuyan nang bawiin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang cease and desist order laban sa mining company doon pero inirereklamo naman ng mga residente na bigo ang kompanya na makapag-secure ng barangay clearance, municipal business permit, foreshore lease contract sa DENR at permit para sa pagtatayo ng private port mula sa Philippine Ports Authority (PPA).

Facebook Comments