Naniniwala ang ilang mga kongresista na paglilihis lamang sa tunay na isyu sa bansa ang political show at political circus ng kampo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinukoy ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite ang pagpapalutang ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) para sa Senator Bong Go-President Duterte tandem, ang pag-iingay ng Malacañang para sa Sara Duterte-President Duterte tandem at ang pag-aaway kamakailan sa media ng mag-ama.
Giit ni Gaite, nagpapalutang na naman ang administrasyon ni Pangulong Duterte ng mga bagong pag-uusapan ngunit aniya hindi na magpapabilog ang publiko rito.
Aniya, dapat na itigil ng mga Duterte ang mga pakulo na ang layunin lamang ay ilihis ang tunay na isyu tungkol sa palpak na COVID-19 response ng administrasyon at ang report ng Commission on Audit (COA) na nagpapakita ng palpak na paggamit sa bilyon na government funds.
Kumpiyansa si Gaite na anumang formula na gamitin ng mga Duterte sa 2022 elections ay tiyak na hindi na ito kakagatin ng publiko.