Gumuhong kalsada sa San Mateo Rizal, sinusuri ng DENR-Mines Geoscience Bureau, mga residente nangangamba na tuluyang bumigay ang lupa

Manila, Philippines – Sinusuri ng DENR-Mines Geoscience Bureau at Municipal Disaster Risk Reduction Mngmt. Office ng San Mateo Rizal ang bahagi ng Sta. Barbara, matapos gumuho ang kalsada dahil sa pag-buhos ng pag-ulan.

Ayon kay Stephen Flores, MDRRMO Chief, tatlong kabahayan ang naapektuhan ng pagguho ng lupa, at mabuti na lamang umano ay walang nasaktan sa naturang pagguho.

Nauna rito’y gumuho rin noong Miyerkules ng umaga ang bahagi ng isang kalsada sa lugar na halos 100 talampakan ang lalim kasunod nito’y bumigay ang malaking puno.


Dahil dito’y nagsilikas ang ilang mga residente dahil nag-crack na ang bahay sa ibabaw ng gumuhong lupa.

Nangangamba ngayon ang mga residente dahil maaari silang maapektuhan sakaling tuluyang bumigay ang naturang bahay dahil dikit-dikit lamang ang kanilang mga tirahan doon.

Sa pagtaya naman ng mga residente, 10 mga bahay ang maaapektuhan kung tuluyang bumigay ang lupa.

Pinangangambahan din ng mga residente ang isa pang kalsada na hindi na madaanan matapos bumigay sa kasagsagan ng bagyong ‘Ondoy’.

Hindi pa rin kasi nakaaalis ang mga residenteng nakatira sa gilid ng naturang kalsada dahil hinuhulugan pa nila umano ang kanilang mga bahay.

Humingi na rin sila ng tulong sa lokal na pamahalaan pero inabisuhan umano silang maghintay lamang dahil marami pang silang ginagawang mas importanteng bagay.

Facebook Comments