Inihayag ni Manila Police District (MPD) Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon na ipinapatupad na rin sa lungsod ng Maynila ang gun ban kaugnay sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Poong Nazareno.
Ayon kay Dizon, dahil sa nasabing gun ban, lifted o walang bisa ang permit to carry firearms outside residence na magtatagal hanggang bukas o pagkatapos ng kapistahan.
Nabatid na ipinatupad ang gun ban upang maiwasan ang kaguluhan lalo na’t kaliwa’t kanan ang magaganap na selebrasyon.
Babala ng opisyal, siguradong mananagot sa batas ang sinumang lalabag sa gun ban kahit pa sinuman o anuman ang estado nito sa buhay.
Matatandaan na una nang ipinatupad ang liquor ban kaya’t ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbili at pag-inom ng anumang nakakalasing na inumin.
Maging ang no fly zone ay ipinapatupad sa Quiapo Church at Quirino Grandstand kung saan magtatagal ito hanggang bukas.
Sa kasalukuyan, wala pa rin naitatala ang MPD ng mga hindi inaasahang insidente gayundin ang mga petty crimes.
Muli naman pinapa-alalahanan ang lahat ng mga deboto na magtutungo sa simbahan ng Quiapo at Quirino Grandstand na huwag ng magsuot at magdala ng mga alahas, malalaking bag, mga matutulis na bagay at mga gamit na makaka-istorbo o magiging dahilan ng gulo.
Ang mga senior citizens naman lalo na ang mga may karamdaman ay pinapayuhan ng MPD na magdala ng identification card o papel na naglalaman ng emergency contact numbers, allergies, at medical history.
Nabatid kasi na makakatutulong ang ID card sa mga health personnel o first aider para makapagbigay ng angkop na serbisyong medikal.