Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang nationwide gun ban epektibo sa January 9 hanggang June 8 sa susunod na taon na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) bilang opisyal na “election period”.
Ayon kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, batay ito sa Comelec Resolution No. 10728 na nagbabawal sa election period ng pagdadala ng armas sa labas ng tahanan at sa lahat ng pampublikong lugar ng sinuman na walang pahintulot ng Comelec Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC).
Sa nasabing resolusyon tanging mga miyembro ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang law enforcement agencies na naka-uniporme at nagsasagawa ng opisyal na tungkulin ang pinapayagang magdala ng armas sa panahon ng election period.
Ipinagbabawal din aniya ng Comelec Resolution ang paggamit ng mga kandidato ng mga pribadong bodyguard.
Pero ayon sa PNP chief pagkakalooban ng PNP ng proteksyon ang mga kandidato na pinahintulutan ng Comelec matapos nilang patunayan na may banta sa kanilang buhay.