Guro, arestado matapos magpalabas ng bidyo tungkol sa cannibalism sa preschool

1019

SEOUL, South Korea — Isang English teacher sa tutoring service ng pribadong paaralan sa Sejong ang inakusahang nagpakita sa mga preschooler ng bidyo tungkol sa cannibalism.

Ayon sa Sejong Police Station, ipinalabas ng Canadian teacher na nasa kanyang 20s ang clip mula sa YouTube na nagpapakita ng eksperimento sa lasa ng laman ng tao.


Nasa edad 6 hanggang 7 ang mga bata sa klase na nakasaksi ng bidyo noong Miyerkules, ayon sa ulat ng Korea Herald.

Naghain ng reklamo ang mga magulang ng estudyante noong Biyernes nang malaman ang insidente.

Sinabi ng pulisya na umamin ang guro sa pagpapalabas ng naturang bidyo, ngunit nangatwirang hindi niya intensyong sindakin ang mga bata.

Nagsampa na ng arrest warrant ang awtoridad para sa guro na nahaharap sa paglabag sa Child Welfare Act.

Iimbestigahan din ang tutoring service sa tinitingnang kapabayaan ng administrasyon.

Facebook Comments