Guro, ini-stapler umano ang tainga ng estudyanteng hindi gumawa ng takdang aralin

Isang guro sa Malaysia ang di umano’y ini-stapler ang tainga ng 10-anyos na estudyanteng hindi nakatapos ng takdang aralin.

Napag-alaman ng ina ng estudyante ang insidente nang sunduin niya ang anak sa paaralan sa Sabah nitong umaga ng Sabado, Setyembre 28.

Humantong sa pagdurugo ng tainga ng bata ang ginawa ng guro, ayon sa ulat ng Sin Chew Daily, Linggo, Setyembre 29.


Ayon sa ulat, kinumpirma ng Sabah State Education Department director na si Dr. Misterine Radin na nakatanggap sila ng reklamo hinggil sa insidente na inihain ng nanay ng estudyante sa pulisya.

“We have received a report regarding a teacher who had kind of injured a student’s ears with the excuse of educating using a stapler,” ani Radin sa media.

Siniguro naman ng opisyal na bibisitahin ang paaralan para makipagpulong sa sangkot na guro at estudyante, kasama ang mga magulang ng bata.

Pinaalalahanan din ni Radin ang mga guro na sumunod sa pamantayan ng pagdidisiplina sa mga mag-aaral.

Bukod sa pagpupulong, sasailalim din sa counseling ang inireklamong guro habang gumugulong ang imbestigasyon.

Para naman kay education minister Dr. Maszlee Malik, dapat umanong unawain ng mga guro ang problema ng mga estudyante at tratuhing parang bahagi ng pamilya.

Hindi naman sigurado si Radin kung ito ang unang beses na may ganitong nangyari sa Sabah, pero aniya nakatanggap na ang kagawaran ng parehong reklamo ngayong taon.

Facebook Comments