Lumutang sa Quezon City Hall of Justice para maghain ng kanyang counter affidavit ang teacher na sinampahan ng kaso ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa umano’y pagpapakalat ng video sa pagdaan ng isang VIP sa Commonwealth Avenue.
Kasama ng kanyang legal counsel na si Atty. Chel Diokno, naghain ng kanyang counter affidavit sa QC Prosecutors’ Office si Janus Munar, isang guro sa pribadong high school sa Sta. Rosa Laguna.
Sinabi ni Munar na nakaramdam siya ng takot nang makatanggap siya ng subpoena sa korte noong October 27, matapos ireklamo ng QCPD sa pamamagitan ng umaktong complainant na si PEMS Verdo Pantollano.
Kabilang sa isinampang kaso ni Traffic Enforcer Pantollano kay Munar ang paglabag sa Article 154 ng Revised Penal code o ang unlawful use of means of Publication and Unlawful Utterances in Relation to RA 10175 o Anti-Cybercrime Law at paglabag sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law in Relation to RA 10175.
Giit ni Munar, hindi siya ang source ng video at nag-share lamang din siya gaya ng maraming iba pa pero kinukwestyon kung bakit siya lang ang pinag-initan na sampahan ng reklamo.
Nangangamba si Munar sa kaniyang seguridad dahil hanggang sa pinagtuturuang paaralan ay mayroong mga hindi kilalang indibidwal na naghahanap sa kanya.
Ilang araw din aniya siyang nanatili lamang sa loob ng school dahil sa takot para sa kanyang kaligtasan.
Una nang nag-viral sa social media ang video ng pagpapatigil sa mga dumaraang sasakyan na ipinagpalagay agad ng nag-video na ang VIP na tinutukoy ay si VP Sara Duterte na kalaunan ay napag-alaman na hindi naman pala totoo.
Ayon kay Atty. Chel diokno, may chilling effect sa mga netizen ang ganitong kaso na malinaw na paraan para sagkaan ang freedom of expression.
Dapat aniyang ipagtanggol niya si Munar dahil lahat ay maaaring target na ng mga pagsasampa ng kaso.