TUGUEGARAO CITY- Posibleng maharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o “Special Protection of Children Against child Abuse, Exploitation and Discrimination Act” ang isang class adviser matapos itong ireklamo kahapon sa pamamalo sa kanyang estudyante.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, kinilala ang suspek sa pangalan na Haidee Pattaui, 40 anyos, may asawa, teacher III at residente ng Leonarda Village, Tuguegarao City.
Batay sa reklamo ng pamilya ng pitong taong gulang na Grade 2 student na itinago sa pangalang “Andria” at residente ng Centro 5, Tuguegarao City, Cagayan, pinalo umano ni Pattaui gamit ang notebook ang kanang kamay ng biktima at pinatayo sa harapan ng kanyang mga kaklase.
Hindi pa umano nakuntento ang guro, kaya’t kinurot sa kanang kamay ang biktima at sinabihan din umano ito ng “O ANO, HINDI PA KAYO MAGBABAYAD NG LIBRO? SIMPLENG BAYARIN HINDI MABAYARAN NG MAGULANG MO!”.
Dahil dito, hindi na umano pumasok sa klase ang biktima dala na rin ng kanyang takot sa guro subalit kalauna’y inilipat din ito sa kabilang section.
Sa ngayon, nakapagsampa na ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa guro.