Davao City – Pinaniniwalaan ng ilang mga taga oposisyon na posibleng gamiting “fallback” ng ilang mga taga-PDP-LABAN ang binuong regional party ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, posibleng naghahanap ng “fallback” ang ilang mga miyembro ng PDP-LABAN dahil naging “divided” na ang pwersa ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Sinabi pa ni Villarin na may ilang taga PDP-Laban na ang naghahanap na ng “alternatives” o partidong malilipatan na malapit pa rin sa Pangulo.
Dagdag pa ni Villarin, maaring paraan din ito para dumistansya sina Mayor Duterte sa pagsusulong ni Alvarez ng charter change at constituent assembly, bagay na hindi sinasang-ayunan ng taumbayan.
Naging mainit naman ang iringan nila Mayor Duterte at Speaker Alvarez matapos umanong sabihin ni Alvarez na taga oposisyon na si Mayor Sara dahil bumuo ng partidong hiwalay sa PDP-Laban na siya namang mariing itinatanggi ng lider ng Mababang Kapulungan.