Pinagsabihan ni Senate Committee on Public Services Vice Chairman Senator Ramon Bong Revilla, Jr. ang tollway operators na Metro Pacific Tollways Corporation at San Miguel Corporation na ayusin ang pamamalakad sa pag-shift sa kani-kanilang Radio Frequency Identification o RFID systems.
Ginawa ito ni Revilla makaraang ulanin ng reklamo ang magulo at hindi maintindihang sistema kung saan kukuha ng RFID stickers.
Matatandaang itinakda ng Department of Transportation (DOTr) ang deadline ng pagiging cashless sa mga tollway sa darating na Nobyembre 2 kaya nagkumahog ang dalawang operators at ang publiko.
Ayon kay Revilla, mukhang nauna ang press release bago ang aktwal na kahandaan, dahil kitang-kitang walang preparasyon sa malaking volume ng mga kukuha ng RFID.
Ipinunto ni Revilla na napakakaunti ng mga installation centers na kadalasan ay nauubusan pa ng stickers at may mga lugar na inaabot ng sampung oras ang pumipila bago makakuha ng RFID.
Diin ni Revilla, ang pagdagsa ng mga tao sa installation center na pumipila 24/7 ay isang maliwanag na paglabag sa physical distancing na mariing ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) ngayong pandemya.
Pinuna rin ni Revilla ang palpak na Easytrip system, na imbes na mapabilis ang pagkolekta ng toll ay lalo pang nagtatagal dahil sa hindi agad pagbubukas ng barrier bunga ng kabiguang mabasa agad ang RFID.