Manila, Philippines – Hindi dapat ikaalarma ng publiko ang H5N6 strain ng bird flu na naitala sa Pampanga.
Ito ang sinabi ni Health Undersecretary Herminigildo Valle, kasunod ng naging anunsyo ng Bureau of Animal Industry na maaaring maipasa sa tao ang H5N6.
Ayon kay Valle, napakababa ng tyansa na maipasa sa tao ang naturang strain ng bird flu, at base aniya sa mga datos mula sa ibang mga bansa ay bilang na bilang lamang ang kaso ng human transmission ng H5N6.
“In fact I would like to say it, H5N6 is really not as deadly as H5N1, ‘yan yung kinakatakukan. H5N1, iyan ‘yung maraming (kaso ng) namatay pero ‘yung H5N6 parang wala masyado.”
Aniya, hanggat ina-apply ang mga paalalang una nang binanggit ng DOH noon, tulad ng paglulutong maigi ng mga ihahaing manok at iba pang poultry products, hindi pag e- expose ng sarili sa mga poultry farm sa mga lugar na nagpositibo sa bird flu, at agad na kokonsulta sa experto sa oras na makaramdam ng flu, ay maaagapan na ang posibilidad ng human transmission.
Sa kasalukuyan aniya sa 14 na taong ina-isolate ng DOH dahil sa pagpapakita ng sintomas ng flu, lahat naman ay nagnegatibo sa bird flu.