HABAGAT | Lalawigan ng Bataan, isinailalim na sa state of calamity

Bataan – Isinailalim na sa state of calamity ang buong probinsya ng Bataan dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.

Sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC)-Bataan, lima ang naitalang patay kasunod ng pananalasa ng habagat.

Kabilang sa nasawi si Gary Cabiling ng Bamban, Hermosa na inanod ng baha habang tumutulong sa paglikas ng ilang residente.


Nasawi naman ang apat na residente ng Balanga, Bataan sa kasagsagan ng masamang panahon.

Nasawi ang magtiyuhing sina Ronel Aniban, 25-anyos at Raymond Rapsing, 13-anyos nang mabagsak ng gumuhong bahagi ng pader.

Patay rin ang anim na taon na si Ellyse Nicol Mendoza nang mahulog sa isang kanal sa Barangay Tuyo.

Makalipas ang ilang oras, lumutang naman ang bangkay ng bata sa isa pang kanal na isang kilometro ang layo mula sa lugar kung saan siya nahulog.

Sumasaklolo naman sa mga kapitbahay na na-trap sa baha ang tricycle driver na si Philip Cordova nang siya ay makuryente at malunod.

Paulit-ulit naman ang pakiusap ng lokal na pamahalaan sa mga residente na lumikas na sa mas mataas na lugar kung magtutuloy-tuloy pa rin ang pag-ulan, lalo at mayroon muling binabantayan ang PAGASA na Low Pressure Area (LPA) na muling hahatak ng habagat.

Facebook Comments