
Ipinag-utos na ni Acting Secretary Giovanni Lopez sa Land Transportation Office (LTO) ang habambuhay na pagkansela ng lisensya ng UV Express driver na nang-araro ng 14 na sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City kahapon.
Isa sa mga motorista ang naiulat na namatay, at 13 pa ang nasugatan.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District at LTO, umamin ang UV Express driver na si Ruel Flores Dela Cerna na gumamit siya ng shabu noong Huwebes ng gabi, ilang oras bago ang naturang insidente.
Binigyang-diin ni Acting Secretary Lopez na hindi hahayaan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga reckless na driver, lalo na ang mga gumagamit ng droga, na makapagmaneho at maglagay ng buhay ng mga motorista at komyuter sa panganib.
Nakakulong ngayon si Dela Cerna sa Quezon City Police District at nahaharap sa patong-patong na mga kaso.
Inatasan din ni Acting Secretary Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahigpit na ipatupad ang Department Order 2025-008, na nag-oobliga sa mga operator ng pampublikong sasakyan na isailalim sa mandatory drug testing ang kanilang mga driver. Inutusan din niyang madaliin ang pagkumpleto ng Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.
Pinatitingnan na rin ng Kalihim sa LTFRB kung maaaring mabigyan ng danyos ang mga biktima sa pamamagitan ng insurance company ng UV Express, na isang pampasaherong sasakyan.
Nagpaabot naman ang DOTr ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng isa sa mga biktimang pumanaw.









