Muling tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi makakaapekto sa gagawing halalan sa Mayo ang isyu ng umano’y hacking sa sistema ng service provider nito na Smartmatic.
Kasunod na rin ito ng pagkakaaresto ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group sa tatlong indibidwal na nagsabing kaya nilang i-hack ang system ng Smartmatic para mamanipula ang resulta ng halalan.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, iniimbestigahan na nila ang posibleng koneksyon ng tatlo sa isang dating empleyado ng Smartmatic na una nang naaresto dahil sa data breach issue.
Pero aniya, maaari ding nagpapanggap lang na hackers ang tatlo para makapangikil ng malaking halaga sa mga kandidatong target nilang mabiktima.
Samantala, una nang nilinaw ng COMELEC na walang anumang impormasyon na may kinalaman sa halalan sa Mayo ang nakuha sa kanila.
Tiniyak din ni Garcia ang “absolute transparency” kung saan lahat ng proseso sa eleksyon ay magiging bukas sa publiko.
Inihalimbawa rito ni Garcia ang mga data centers na sa kauna-unahang pagkakataon ay bubuksan ng COMELEC para sa mga observer, sa media at sa publiko.