Para kay Senate President Tito Sotto III, hindi na kailangan pang imbestigahan ng Senado ang sinasabing hacking sa online server ng Commission on Elections o COMELEC.
Binanggit ni Sotto na batay sa report na kanyang natanggap mula sa kinatawan ng Joint Congressional Oversight Committee na nagmo-monitor sa source code review ay walang hacking na nangyari sa online server ng COMELEC.
Dahil dito ay kumbinsido si Sotto sa sinabi ni COMELEC Commissioner Rowena Guazon na fake news ang report na umanoy na-hack ang system ng COMELEC.
Kaugnay nito, naniniwala si Sotto na masasayang lang ang oras ng Senado kung iimbestigahan pa ang naturang isyu.
Sabi ni Sotto, magkakaroon ng saysay ang imbestigasyon kung mahuhuli ang sinasabing hacker at maiprisenta niya na na-hack talaga niya ang server ng COMELEC.