Pinapa-imbestigahan, in aid of legislation, ni Senator Francis Tolentino sa Senado ang napaulat na hacking nitong January 8 sa mga sensitibong voter information sa servers ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa inihaing resolusyon ay isinulong ni Tolentino na magsagawa ng imbestigasyon ang Committee on Electorial Reforms and People’s Participation na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos.
Ayon kay Tolentino, ang nabanggit na hacking sa sensitibong impormasyon na hawak ng COMELEC ay maaaring maka-apekto sa halalan sa Mayo.
Binigyang diin ni Tolentino ang nakapaloob sa Cybercrime Prevention Act of 2012 na kailangang maprotektahan ang integridad ng computer and communication systems, networks and database at confidentiality at availability ng information at data na nasa system ng COMELEC.
Giit ni Tolentino, dapat itong maprotekhan laban sa misuse, abuse at illegal access kung saan may karampatang parusa laban sa mga gagawa nito.
Binanggit ni Tolentino na kasama sa layunin ng Senate investigation na madetermina kung may mahigpit na data encryption at kakayahan ang COMELEC na mapagilan ang anumang insidente na makaka-apekto sa papalapit na halalan.