Pumanaw na sa edad na 61 ang miyembro ng Hagibis na si Sonny Parsons nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa kaniyang pamilya, inatake sa puso ang singer-politician dulot umano ng heat stroke habang nakasakay sa kaniyang big bike sa Batangas.
Kasama ni Sonny, o Jose Parsons Agliam Nabiula Jr., sa totoong buhay, ang grupong Law Enforcement Riders Association of the Philippines (LERAP) nang maganap ang kalunos-lunos na insidente.
Patungo nga raw ang mga ito sa Tayabas, Quezon para sa isinagawang charity drive.
Nakilala ang personalidad noong dekada ’70 at ’80 matapos mapabilang sa OPM band na Hagabis na nasa likod ng awiting ‘Legs’, ‘Babae’, Katawan’, at ‘Lalaki.’
Taong 1990 nang pasukin ni Parsons ang mundo ng showbiz. Huli siyang napanood sa Kapamilya teleserye na “Ang Probinsiyano.”
Bukod sa pagiging singer-actor, naninilbihan din siya bilang konsehal sa Marikina City.