Manila, Philippines – Itinaas na sa heightened alert ang puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) partikular sa binabagtas ng bagyong Basyang sa Visayas, Northern Mindanao, at Palawan.
Ayon kay PCG Spokesman Captain Arman Balilo, patuloy ang kanilang pagmo-monitor sa mga lalawigang nakakaranas ng hagupit ng bagyong Basyang kung saan nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan na pagbawalan ng pumalaot ang anumang uri ng sasakyan pandagat upang makaiwas sa sakuna sa karagatan dulot ng sama ng panahon.
Paliwanag ni Captain Balilo kapag may storm signal, bawal ng pumalaot ang lahat ng sasakyan pandagat dahil delikado ang pumalaot dahil sa naglalakihang alon at malakas na hangin dulot ng bagyong Basyang.
Dagdag pa ni Balilo na inaasahan na ang pagdagsa ng mga istranded sa mga pantalan partikular sa mga lugar na may storm signal apektado narin ang ilang sasakyan pandagat na galing sa ibang mga lugar pa may biyaheng patungo sa mga lugar na storm signal.
Panawagan ng PCG sa mga residenteng nakatira sa mga tabing ilog, bundok o baybaying dagat na maging alerto o lumikas sa mga inilaang evacuation center upang matiyak ang kaligtasan ng buhay.