Ihahayag isa o dalawang linggo bago ang halalan ng pamilya Batocabe kung sino ang hahalili sa mayoral bid ng pinaslang na si Ako Bicol party-list Representative Rodel Batocabe.
Sa interview ng RMN Manila, kinumpirma ng panganay na anak ng mambabatas na si Atty. Justin Batocabe na hindi muna nila isasapubliko sa ngayon kung sino sa kanilang pamilya ang papalit sa iniwang kandidatura sa pagka-alkalde ng kanyang ama.
Ayon kay Batocabe, nais nilang masiguro ang kaligtasan ng kanilang pamilya lalo na at posibleng matarget din ang papalit dito.
Bagaman at bukas aniya ang inang si Gertie na tumakbong alkalde ng bayan ng Daraga sa Albay, bilang kapalit ng yumaong ama, pero pinag-iisipan pa nila ito lalo na at maging ang kanyang tiyuhin at kapatid ng kongresista na si Dennis Batocabe ay itinutulak din na maging substitute candidate sa halalan.
Samantala, walang humpay ang pasasalamat ngayon ng pamilya Batocabe matapos ang breakthrough sa hinahangad na hustisya matapos na mabunyag ang mga suspek at mastermind.
Ayon kay Atty. Justin, magkahalong tuwa at lungkot ang kanilang nararamdaman pero nagpapasalamat ito sa mabilis na pag-aksyon ng otoridad.