Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Nancy Binay sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na simulan nang ipabatid sa publiko ang mga plano at programa nito upang maibsan ang epekto ng El Niño.
Nababahala si Senator Binay sa idudulot ng El Niño lalo na sa mga magsasaka ng palay na kakasimula pa lang magtanim ngayong Pebrero.
Nangangamba din si Senator Binay na maapektuhan pati ang food security ng bansa dahil siguradong malaki din ang epekto ng El Niño sa food animals tulad ng mga manok at baboy na maaring dapuan ng iba’t-ibang sakit at salantain ng mas matinding peste.
Binanggit pa ni Senator Binay na dapat ding tutukan ng pamahalaan ang vulnerable sector tulad ng mga bata, mga matatanda at may mga chronic conditions tulad ng hypertension.
Diin ni Senator Binay, mahalagang malaman ng taong bayan ang mga posibleng epekto ng El Niño sa kanilang kabuhayan at kalusugan upang makapaghanda sila at mabilis na makatugon.