Wednesday, March 18, 2026

Halaga ng fuel subsidy para sa mga drivers at operators, posibleng magbago ayon sa LTFRB

Nagpapatuloy ngayong araw sa ilang mga lungsod sa Metro Manila ang pamimigay ng cash relief assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga tricycle driver.

Ito ay bilang tulong ng pamahalaan kaugnay sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa kasalukuyang sigalot sa Gitnang Silangan.

Kaugnay nito, inaasahang sa susunod na linggo rin ang roll-out ng fuel subsidy ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa oras na makakuha ang DOTr ng Notice to Cash Allocation o NCA.

Bagama’t wala pang eksaktong halaga ang ayudang ibibigay, posibleng magbago pa raw ito ayon kay LTFRB Chairman Asisstant Secretary Atty. Vigor Mendoza II.

Sinabi ni Mendoza II na kumpara kasi noong unang roll-out ng subsidiya na tanging operators lamang ang binigyan, ngayon naman ay kasama na ang mga drivers.

Matatandaang nakatanggap ng ₱5,000 fuel subsidy ang mga traditional jeepney, ₱10,000 sa modern PUJ, ₱1,500 sa mga tricycle, at ₱1,500 naman sa motorcycle taxi.

Samantala, bukas naman sa posibilidad ang LTFRB sa magiging application ng mga transport group hinggil sa umento sa pasahe lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.

Facebook Comments